Panunuring Pampanitikan: Dekada ‘70

KREYANJA NIECY PACIENTE FUERTE
5 min readMar 27, 2021

--

I. Panimula

Pamagat: Dekada ‘70

Ang Dekada ’70 ay isang nobela na tinatalakay ang mga kaganapan sa buhay ng pamilyang Pilipino na nahagip sa kalagitnaan ng mga magulong dekada ng 1970. Ipinakikita nito ang kalagayan ng ating bansa sa mga panahong ito at kung paano nakibaka at hinarap ng pamilya ang pamumuno ni Ferdinand Marcos.

May-akda: Lualhati Bautista

Ang Dekada ’70 ay isa sa mga obrang isinulat ni Lualhati Bautista. Siya ay isa sa pinakatanyag na babaeng nobelista sa kasaysayan ng modernong panitikang Pilipino. Kabilang pa sa mga nobela niya ang Gapo, at Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa? Maliban sa pagiging isang nobelista, si Lualhati Bautista ay isa ring manunulat ng mga maikling kuwento at nakalikha na rin siya ng ilang akdang-pampelikula. Naging instrumento niya ang pagsusulat upang maipakita ang mga maling kalakaran sa lipunan na malaki ang naging epekto sa mga Pilipino.

Tauhan

Si Amanda Bartolome — Ang ilaw ng tahanan at mayroong limang anak. Ito ay sina Jules, Gani, Em, Jason at Bingo. Siya ay isang mabait, matiyaga at mapagmahal na ina at asawa. Makikita sa Dekada ’70 kung gaano niya kamahal at kaasikaso ang kaniyang mga anak. Sa simula ay tutol siya sa pagiging aktibista ni Jules dahil alam niyang delikado ito at maaaring mapahamak at mamatay roon si Jules. Ngunit sa dulo at tinanggap niya ang kahilingan ni Jules na maging isang aktibista at kinalaunan ay sumama na rin siya sa pakikibaka para sa demokrasya.

Si Julian Bartolome, Sr. — Siya naman ang haligi ng tahanan. Siya ang isang mapagmahal na asawa ni Amanda at isang mabait na ama sa kanyang mga anak. Si Julian ay maprinsipyong ama at lalaki ngunit sa bandang dulo ay nakita rin ang kanyang itinatagong kahinaan. Naniniwala siyang ang lalaki ay mas may karapatan sa pamilya ang ang mga babae ay tagasunod lamang sa kanilang mga lalaki. Naniniwala rin siyang lahat ng bagay sa buhay ay nakaayos sa kalamangan ng mga lalaki. Ika nga niya ay “It’s a man’s world!” At katulad ng kanyang asawa ni Amanda, hindi siya payag sa maging aktibista si Jules dahil siya ay ang tinatawag nating “Marcos Apologist” at dahil ayaw rin niyang mapahamak ang kaniyang mga anak. Ngunit nang naglaon ay nalinawan siya at natutunang tanggapin ang desisyon ng kaniyang anak. Makikita natin iyon noong sinabi niya ang linyang ”Ang dapat lang sundin ng tao ang dikta ng sarili niyang konsensya’t paninindigan.”

Julian “Jules” Bartolome, Jr. — Ang panganay na anak ng mag-asawa. Siya ang unang namulat sa maling pamamalakad ng kasalukuyang pamahalaan at sa hindi nito makataong pagtrato sa mga mamamayang Pilipino. Mapagmahal siya kanyang bansa at handang gawin ang lahat para lamang makamit ng mga Pilipino ang kalayang minimithi at ipinaglalaban ng marami.

Isagani “Gani” Bartolome — Ang ikalawang anak nina Amanda Bartolome at Julian Bartolome, Sr at ang pinaka-pilyo sa kanilang magkakapatid. Maaga siyang nag-asawa at nagkapamilya. Iniwan niya ang kaniyang pamilya, mga magulang at mga kapatid para tuparin ang kanyang pangarap na sundalo sa US Navy.

Emmanuel “Em” Bartolome — Ang pangatlong anak ng pamilyang Bartolome, isang matalinong manunulat na tumutulong kay Jules sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga artikulo ng pamamalakad ni Marcos.

Jason Bartolome — Siya ang pang-apat na anak, masayahin, palabiro at mayroong positibong pag-uugali. Ngunit habang umuusad ang pelikula ay nawawala ang pagiging “happy-go-lucky” ni Jason dahil mayroong isang pangyayari na nagdulot sa kanya ng matinding kalungkutan na nagtulak sa kanya na gumamit ng droga. Ito ang naging kadahilanan kung bakit siya hinuli at pinagsasaksak ng maraming beses ng mga pulis.

Benjamin “Bingo” Bartolome — Ang bunso sa magkakapatid na Jules, Gani, Em, at Jason. Siya ay bata pa lamang ngunit nakita niya na ang hindi magandang pangyayari at ang madungis na pamamalakad ng pamahalaan sa panahon na iyon.

Evelyn — Ang napangasawa ni Gani. Siya ay isang matiisin at isang babaeng kayang tumayo sa sariling paa.

Mara — Ang napangasawa ni Jules na nakilala niya sa kilusan. Siya rin ay isang mapagmahal at matapang katulad ni Jules.

Tagpuan

Halos lahat ng pangyayari sa nobelang ito ay naganap sa tahanan ng pamilyang Bartolome. At base sa pamagat na Dekada ’70, ang mga pangyayaring ito ay nangyari sa panahon ng 1970’s, noong kapanahunan ng Batas Militar sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa ilalim ng panahon ng Batas Militar, pinagisa ni Marcos ang lakas ng hukbong sandatahan at nilimitahan ang kalayaan sa pagpapahayag. Nagustuhan ko ang tagpuan sapagkat angkop ito sa banghay. Ang tagpuan nito ay nakatulong din upang i-konekta ang balangkas sa mga karakter, at mabuo nang maayos ang mood at tema.

II. Pagtalakay

Nakikita ang teoryang Feminismo sa nobelang ito dahil ang mga kababaihan ay kadalasang minamaliit rito at nagkakaroon ng diskriminasyon. Tulad na lamang ng isang pangyayari na nais ni Amanda magtrabaho ngunit nagalit lamang si Julian at sinabing “Hindi ka magttrabaho habang ako ang lalaki sa’ting dalawa.” Ang nasa isip ng mga tao sa panahong iyon ay dapat sa mga mag-asawa ay dapat ang babae ay nasa bahay lamang, nasa kusina, gumagawa ng gawaing bahay at tagapag-alaga ng mga anak habang ang lalaki naman ang siyang nagtatrabaho.

Ipinakita rin rito ang teoryang realismo sapagkat tunay at totoong nangyayari sa kasalukuyang lipunan ang mga pangyayari sa nobela. Ang Dekada ’70 ay tumatalakay sa katotohanan sa lipunan. Isinilaysay nito ang realidad ng buhay, na hanggang ang isang lipunang mayroong maruming pamamahala, mayroong mga mamamayang matapang na hindi pipiliing manahimik na lamang.

III. Konklusyon

Sa panonood ng Dekada ’70, namulat ang aking isipan sa pangyayari sa panahon ng pangulong Ferdinand Marcos. Naging pamilyar ako sa bawat detalye ng mga pangyayari sa mga Pilipino sa panahong iyon. Talagang naantig ang aking damdamin habang pinapanood ang pelikula ng Dekada ’70 sapagkat ipinakita sa akin nito ang dinadaanang hirap ng mga Pilipino noon lalo na ang mga lumalaban sa pamahalaan. Hanga rin ako kay Jules sapagkat handa siyang ialay ang kanyang buhay para sa inang bayan at para ipaglaban ang ating kalayaan. Mairerekomenda ko ito sa mga estudyanteng YS 10 o YS 11 dahil maraming aral ang mapupulot mo rito at isang eye-opener para sa mga Pilipino ang nobelang ito.

--

--